Today is August 02, 2026

ISPORTS - GSCS Midgets, WAGI

July 31, 2026

Home > News Archive > ISPORTS - GSCS Midgets, WAGI

Nanaig ang matatag na depensa ng Good Shepherd Cathedral School Midgets Volleyball Team (Shepherds) matapos pataubin ang Colegio De San Bartolome De Novaliches Midgets Volleyball Team (Centurions) sa dalawang sunod na set, 25-8 at 25-22, sa unang laban ng RCBNES Fraternal Friendly Sports Tournament na ginanap sa GSCS Gymnasium.
Mula pa lamang sa unang sipol ng referee, agad na ipinakita ng Shepherds ang kanilang determinasyong makuha ang panalo.
Sunod-sunod na matitinding service ace ni Hisarza ang nagbigay ng maagang kalamangan sa iskor na 15-3, kasabay ang matatag na depensa sa bawat pag-atake ng mga Centurions.
Dahil sa mahusay na komunikasyon at disiplina ng mga Shepherds sa loob ng court, tuluyang lumobo ang kanilang kalamangan hanggang sa maangkin ang unang set sa iskor sa 25-8.
Lalong naging mahigpit ang ikalawang set nang magpakita ng mas agresibong laro ang dalawang grupo. Ilang beses ding nagdikit ang iskor, dahilan upang maging mas tensiyonado ang laban.
Sa mga huling sandali ng ikalawang set, sinubukan pang habulin ng Centurions ang kalamangan ng Shepherds. Gayunman, napigilan nilang humabol ang kalaban kaya umalingawngaw sa malakas na hiyawan at palakpakan ang GSCS Gymnasium nang maselyo ng Shepherds ang ikalawang set sa iskor na 25-22.
Sa isang panayam, ipinahayag ng GSCS Volleyball Midgets Team Captain Kathaleya Ventura ang isa sa mga naging susi nila sa kanilang matagumpay na laro.
“Siguro isa sa advantage namin is homecourt kami, kaya sanay na kami sa court at maraming nakapunta sa laro namin para mag-cheer.”
Itinanghal na Player of the Game si Angelica Hisarza matapos ang kaniyang kahanga-hangang laro na naging malaking bahagi ng tagumpay ng GSCS.
Nang tanungin si Hisarza kung paano niya naipanalo ang laro, “Yung service ko and yung pagdepensa, kasama na rin yung pagiging focus at kalmado during game.“
 


 
 
 
 
 

Good Shepherd Cathedral School
Address: Omega Avenue corner Rado Street, Fairview Park, Quezon City 1118

T: 7757-4163, 7621-9062
F:
Email Address: [email protected], [email protected], [email protected]

Copyright © 2015. Good Shepherd Cathedral School. All rights reserved.
Powered by: